Kamara, tiniyak ang pag-apruba sa mga panukalang tutulong sa maliliit na negosyo

Tiniyak ni House Speaker Ferdinand Martin Romualdez ang pag-apruba ng Kamara sa mga panukalang batas na makakatulong sa mga maliliit na negosyo na may malaking kontribusyon sa ekonomiya ng bansa.

Pahayag ito ni Speaker Romualdez sa kanyang pagdalo sa pagbubukas kamakailan ng National Food Fair na pinangunahan ng Department of Trade and Industry (DTI).

Pangunahing binanggit ni Romualdez na ipapasa ng Kamara ang panukalang Government Financial Institutions Unified Initiatives to Distressed Enterprises for Economic Recovery o (GUIDE) Act gayundin ang House Bill No. 1171 o ang panukalang One Town, One Product Act o OTOP law.


Ayon kay Romualdez, ang GUIDE Act ay nag-oobliga sa mga government financial institution gaya ng Land Bank of the Philippines at Development Bank of the Philippines na maglaan ng pondong ipapautang sa small and medium enterprises o MSME.

Ang OTOP law naman, ayon kay Speaker Romualdez ay naglalayong tulungan ang mga MSME na mapaganda ang kalidad ng kanilang mga produkto upang ito ay maging world competitive.

Binanggit din ni Romualdez, na naglaan naman si Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr., ng P1.2 bilyon sa ilalim ng 2023 national budget upang suportahan ang mga programa para sa MSME.

Facebook Comments