Tiniyak ng liderato ng Kamara na gagawan nila ng paraan upang mapauwi sa bansa ang libu-libong Overseas Filipino Workers (OFWs) na nawalan ng trabaho sa iba’t ibang bansa dahil sa COVID-19 pandemic.
Ayon kay House Majority Leader Martin Romualdez, isa ito sa mga dahilan kaya inatasan ni Speaker Alan Peter Cayetano na magsagawa ng pagdinig ang Committee on Public Accounts hinggil sa sitwasyon ng natitira pang OFWs sa abroad.
Sabi ni Romualdez, hihilingin ng mga kongresista na magkaroon ng karagdagang flights para sa repatriation.
Kaugnay nito, nais ng chairman ng komite na si Anakalusugan Partylist Representative Mike Defensor na matipon sa hearing ang lahat nang concerned officials para matiyak na matutugunan ang mga isyu hinggil sa pagbalik ng displaced at distressed OFWs.
Paliwanag ng kongresista, target nilang mapauwi hindi lang ang mga stranded, kundi maging ang mga labi ng mga nasawing OFWs sa lalong madaling panahon