Kamara, tiniyak na may sapat na safeguards na nakapaloob sa panukalang Maharlika Wealth Fund Act

Tiniyak ng Mababang Kapulungan na may sapat na safeguards na nakapaloob sa House Bill 6398 o panukalang pagtatag ng P275 billion Maharlika Wealth Fund Act na nakapasa na sa House Committee on Banks and Financial Intermediaries.

Ang start-up fund nito ay magmumula sa top-performing Government Financial Institutions o GFIs na kinabibilangan ng Government Service Insurance System (GSIS), Social Security System (SSS), Land Bank of the Philippines, at Development Bank of the Philippines.

Ayon kay Marikina City Rep. Stella Luz A. Quimbo, isa sa mga may-akda ng panukala, ang pondong ilalabas ng naturang GFIs ay walang magiging epekto sa pagbibigay nila ng serbisyo dahil hiwalay naman ito sa kanilang pondo para sa benefit payments.


Nakapaloob din sa panukala ang paglikha ng “Maharlika Investment Corporation” o MIC na siyang mamamahala sa pondo at bahagi ng safeguards ang pagsusumite nito ng mga dokumento at pagsailalim sa audit ng Commission on Audit.

Itinatakda rin ng panukala ang pagbuo ng Joint Congressional Committee para magbantay at magsagawa ng evaluation sa Maharlika Investment Fund.

Para matiyak ang transparency and accountability ay titiyaking umaayon ang Maharlika Wealth Fund sa Santiago Principles na kinapapalooban ng 24 na generally accepted principles and practices na napagkasunduan sa noong October 2008 sa Santiago, Chile sa pagitan ng mga bansang mayroong Sovereign Wealth Funds, investment recipient countries, at international organizations.

Tiwala naman si House Speaker Martin Romualdez na makakatulong ang MWF sa pagsasakatuparan ng Agenda for Prosperity at eight-point socioeconomic roadmap ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Giit pa ni Romualdez, kailangang magkaroon ng MIF ang Pilipinas bilang Rising Star of Asia at real economic leader sa Asia Pacific.

Facebook Comments