Kamara, tiniyak na pagtitibayin ang mga mahahalagang panukala para sa pagbangon ng ekonomiya

Tiniyak ni Speaker Lord Allan Velasco na hindi titigil ang Kamara para tuluyang maisabatas ngayong third regular session ng 18th Congress ang mga panukala patungkol sa economic recovery.

Sa talumpati ni Velasco sa pagbubukas ng sesyon ng Kamara, sinabi nito na ilan pang mga panukalang batas ang kanilang aprubahan na makakatulong sa pagbangon ng ekonomiya ng bansa mula sa epekto ng COVID-19 pandemic.

Umaasa ang lider ng Kamara na sa kanilang huling taon ay magiging ganap na batas ang Retail Trade Liberalization Act, Foreign Investments Act, Public Service Act, POGO Tax at E-Sabong Tax.


Ginagarantiya rin ng House Speaker ang masusing paghimay sa Kamara sa 2022 national budget para masigurong tutugon ito sa pagbangon ng bansa mula sa epekto ng pandemya.

Kabilang din sa kanilang mga prayoridad ay ang panukalang batas na magtatatag ng Virology Institute of the Philippines at Center for Disease Control and Prevention.

Kasabay nito ay hinimok din ni Velasco ang lahat na magpakita ng suporta sa mga atletang Pilipino na kasalukuyang lumalaban ngayon sa 2020 Tokyo Olympics.

Samantala, binigyang pugay din ni Velasco sa kaniyang talumpati si Pangulong Rodrigo Duterte, partikular na sa mga pagbabago na ginawa nito para sa pamahalaan.

Facebook Comments