Kamara, tiwalang hindi maaantala ang budget hearing sa gitna na rin ng pagbibitiw ni Budget Sec. Wendel Avisado

Tiwala si Committee on Appropriations Chairman Eric Go Yap na hindi maaapektuhan ang 2022 national budget matapos ang pagbibitiw ni Budget Secretary Wendel Avisado.

Matatandaang naka-sick leave ng dalawang linggo si Avisado dahil nagkasakit ng COVID-19.

Ayon kay Yap, nakakalungkot na nag-resign si Avisado na kilalang masipag sa kaniyang tungkulin.


Pero dahil sa isyu ng kalusugan ay nauunawaan naman nila ang ginawang pagbibitiw ng kalihim.

Sinabi ni Yap na kumpyansa sila sa Kamara na hindi maaantala ang pagsusumite at pagtalakay sa P5 trillion na pambansang pondo sa susunod na taon dahil marami namang mga competent na opisyal ang Department of Budget and Management (DBM).

Tiwala rin ang kongresista na magagampanan ni DBM Usec. Tina Rose Marie Canda ang tungkulin bilang Officer in Charge (OIC) ng ahensya.

Inaasahan naman ng Mababang Kapulungan ng Kongreso na sa August 20 o 23 maisusumite ng DBM ang 2022 National Expenditure Program (NEP).

Dagdag pa ng mambabatas, target nila na sa loob ng tatlong araw matapos maisumite ang budget sa Kamara ay maumpisahan na ang pagtalakay sa pambansang pondo.

Facebook Comments