Nangako ang liderato ng Kamara na tutulungan nito ang pamahalaan para sa rebuilding at retooling ng mga industriyang apektado ng COVID-19.
Ayon kay Speaker Alan Peter Cayetano, tutulong ang Kamara na palakasin ang sektor ng agrikultura, turismo at paggawa sa pamamagitan ng pag-i-invest sa mga imprastraktura.
Paliwanag ni Cayetano, ang pamumuhunan sa imprastraktura sa mga nabanggit na sektor ang magiging pangunahing source ng trabaho at paglago muli ng bansa.
Sa ngayon aniya ay malaking hamon para sa pamahalaan na mapanatiling ligtas at malusog ang mga Pilipino habang unti-unting bumabalik sa kanilang hanapbuhay.
Bukod dito, target din ng Kamara na gawing sentro ng pag-unlad ang mga probinsya upang makapagbigay ng mas maraming oportunidad sa mga pauwing Overseas Filipino Workers (OFW).
Itutulak din ni Cayetano ang pagpapalakas ng Philippine Creative Industry kung saan maghahain ito ng panukala na layong magtatag ng Department of Arts and Culture.
Naniniwala ang Speaker na ang pagiging malikhain ng mga Pilipino ay magiging mahalagang bahagi para sa muling pagbangon ng bansa.