Kamara, tututukan ang isyu sa citizenship ni Bamban, Tarlac Mayor Guo

Tiniyak ng Kamara na kanilang tatalakayin ang lahat ng isyung hindi matatalakay ng Senado sa kanilang hiwalay na pagdinig sa Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) sa bansa na kinasasangkutan ni Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo.

Ito ay kapag magsasagawa na rin ng parallel investigation ang House of Representatives sa kontrobersiyal na alkalde.

Ayon kay Ako Bicol Party-List Representative at House Assistant Majority Leader Raul Angelo “Jil” Bongalon, dahil nakatutok ang Senado sa isyu ng POGO na iniuugnay sa alkalde ay tututukan nila ang isyu ng citizenship nito.


Pero sinabi ni Bongalon na tatalakayin nila lahat ng isyu na bumabalot kay Guo.

Kung maalala, nakaladkad ang pangalan ni Guo sa operasyon ng POGO sa Bamban, Tarlac at kasunod nito ay lumitaw naman ang isyu ng kanyang kuwestiyonableng citizenship.

Sakaling mapatunayang nagkaroon ng misrepresentation si Guo sa kanyang inihaing certificate of candidacy (COC) noong halalan, sinabi ni Bongalon na puwede itong matanggal sa pamamagitan ng quo warranto petition.

Samantala, nanawagan naman ni Senator Win Gatchalian na sampahan ng kaso ang naturang alkalde.

Facebook Comments