Barkong may sakay na 7 Chinese national sa Zambales, hinarang ng Philippine Coast Guard

Hinuli ng Philippine Coast Guard (PCG) ang isang foreign vessel na may sakay na pitong Chinese national.

Ayon sa Coast Guard, namataan sa bisinidad ng San Felipe, Zambales ang foreign vessel na MT Hyperline 988 na naka-rehistro sa Sierra Leone.

Napag-alaman na nakapatay ang automatic identification system ng sasakyang pandagat at hindi rin ito sumasagot sa kanilang pag-radyo.


Agad namang nagsagawa ng inspeksiyon ang PCG at napag-alaman na nagmula raw ang mga ito sa Hong Kong noong May 11.

Nabigo naman ang mga ito na magpakita ng kaukulang dokumento gaya ng passport, seaman book at listahan ng mga crew.

Sinabi ng ship master na patungo sana sila sa Manila Anchorage Area pero hindi natuloy dahil sa mataas na babayaran kaya nagdesisyon na dumaong na lamang sa Zambales.

Nag-negatibo naman sa iligal na droga ang barko.

Facebook Comments