Kamara, umaasa na tataas ang turnout ng boto sa overseas absentee voting

Umaasa ang ilang myembro ng House Committee on Overseas Workers Affairs na mataas ang magiging turnout ng boto para sa Overseas Absentee Voting (OAV).

Kasabay nito ang pagkadismaya ng komite sa delays at iba pang aberya na nararanasan ngayon sa OAV.

Giit ng Kamara, mayroon namang sapat na panahon ang Department of Foreign Affairs o DFA at Commission on Elections o COMELEC ngunit nakaranas pa rin ng mga isyu ang mga kababayan sa kanilang pagboto.


Tinukoy ng komite na malaking sakripisyo na nga sa mga overseas Filipinos ang makaboto ngayong nasa gitna pa rin tayo ng pandemya at nagkakaroon nanaman ng COVID-19 surge sa maraming bansa.

Bukod dito, kailangan pang i-schedule ng mga kababayan ang kanilang day-off o work leave para makaboto at ito’y katumbas ng isang araw na walang sahod.

Umaasa ang Kamara na maging sulit ang sakripisyo ng mga Pilipino sa ibang bansa at kahit papaano ay tumaas ang OAV turnout ngayong 2022 national election.

Facebook Comments