Kamara, umaasa sa mas maaga at mabilis na rollout ng COVID-19 vaccine

Umaasa si Speaker Lord Allan Velasco sa mabilis na rollout ng COVID-19 vaccine matapos na pagtibayin kagabi ng Kamara ang panukala na magpapabilis sa proseso ng pagbili at pagsasagawa ng inoculation sa bansa.

Ayon kay Velasco, mataas ang kanyang kumpyansa na maagang makakarating sa bansa ang COVID-19 vaccines dahil mas pinadali na ang proseso nito.

Nais ng Speaker na maisilbi talaga ng panukala ang natatanging hangarin nito na tulungan ang gobyerno na bilisan ang purchase at administration ng bakuna laban sa Coronavirus disease.


Kagabi ay tuluyang inaprubahan sa ikatlo at huling pagbasa ang House Bill 8648 o ang COVID-19 Vaccination Program Act of 2021 sa botong 225 na sang-ayon, wala namang pagtutol at anim na abstention.

Layunin ng panukala na gawing mabilis, episyente at matuwid ang pagbili at ligtas na pagbabakuna sa bansa kung saan ang mga Local Government Units (LGUs) at private entities ay maaaring makabili ng bakuna kaakibat ng pagpasok sa isang multiparty agreement kasama ang Department of Health (DOH) at National Task Force Against COVID-19 (NTF).

Lilikha rin ng COVID-19 National Vaccine Indemnity Fund na popondohan ng P500 million para pambayad danyos sa mga magkakaproblema dahil sa bakuna, ililibre rin sa VAT, import duties at iba pang taxes ang bakuna gayundin ay papayagan rin ang mga pharmacists at mga midwives na magbakuna basta’t sumailalim ang mga ito sa training ng DOH.

Facebook Comments