Kamara, umaasang mababawasan ang aksidente sa kalsada sa oras na mapagtibay ang Driver’s Education Program

Umaasa ang mga may-akda ng House Bill 7898 o ang panukala na nagpapalakas sa Driver’s Education Program na mababawasan na ang mga aksidente sa kalsada.

Ito ay kasunod na rin ng pagapruba ng panel ng House Committee on Transportation sa panukala na magpapalakas sa Driver’s Education Program sa pamamagitan ng pagtatatag ng Driver’s Education Centers (DECs) at accreditation ng driving schools.

Naniniwala ang mga may-akda ng panukala na sina Deputy Speaker Conrad Estrella at Transportation Committee Chairman Edgar Mary Sarmiento na malaki ang magiging kabawasan sa road crashes kapag tuluyang naisabatas ang panukala.


Tinukoy sa panukala na hindi makamit ng kasalukuyang road safety program na layong maibaba sa 20% ang road death rate sa bansa sa 2022 bunsod na rin pagtaas ng populasyon na sinabayan pa ng pagdami ng motor vehicle registration at driver’s license application.

Binibigyang solusyon ng panukala ang mataas na road incident sa bansa sa pamamagitan ng mas malawak at mas accessible na mga public at private accredited institutions para sa mas maayos at sapat na kaalaman sa pagmamaneho ng mga drivers.

Suportado naman ng Land Transportation Office (LTO), Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) at Department of the Interior and Local Government (DILG) ang nasabing proposal.

Facebook Comments