Kinalampag ni Deputy Speaker Loren Legarda ang iba pang ahensya ng gobyerno na kumilos na at tumulong sa mga biktima ng Bagyong Odette.
Sa ngayon ay nabatid na problema pa rin ng mga binagyo ang kawalan ng access sa malinis na tubig, kuryente, linya ng komunikasyon at matitirahan.
Sinimulan na ni Legarda ang pakikipag-ugnayan sa mga ahensya ng pamahalaan nang sa gayon ay mabilis na maihatid ang social assistance sa mga apektado nang pananalasa ng bagyo partikular sa Central Visayas, Eastern Visayas, Mindanao, at Palawan.
Inihalimbawa ng kongresista ang DOLE-TUPAD para sa emergency employment, DSWD-AICS o Assistance to Individuals in Crisis Situation at Medical Assistance to Indigent Patients (MAIP) para sa nangangailangan ng gamot at pampaospital.
Nauna nang ipinag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte na gamitin ang lahat ng resources ng pamahalaan para matulungan ang mga nasalanta ng kalamidad.