Umapela si House Committee on Constitutional Amendments Chairman Alfredo Garbin sa mga senador na maging bukas ang isipan sa panukalang amyenda sa economic provisions ng Konstitusyon na layong makahikayat ng foreign investments sa bansa.
Giit ni Garbin, long overdue na ang economic Charter Change dahil matagal na itong panawagan at umani na rin ito ng suporta.
Paliwanag pa nito, ang pagsingit ng katagang ‘unless otherwise provided by law’ sa restrictive provisions ay magbibigay ng flexibility sa Kongreso na baguhin ang restrictions kung kinakailangan para sa ekonomiya.
Ang nasabi aniyang probisyon ang nagiging dahilan para mapigilan ang pagpasok ng mga investments na kailangang-kailangan ngayon para makabawi sa nararanasang public health crisis.
Pinawi rin nito ang pangamba ng ilang senador na baka lumawak ang amyenda kapag nasimulan ang economic Cha-cha, dahil mismong si Speaker Lord Allan Velasco ang nagbigay ng katiyakan na ang economic provisions lamang ng Konstitusyon ang gagalawin.