Kamara, umupo na bilang Constituent Assembly sa pagtalakay sa Cha-Cha

Umuupo na bilang Constituent Assembly ang Mababang Kapulungan sa pagsisimula ng pagdinig nito sa pag-amyenda sa economic provisions ng 1987 Constitution.

Ito ang nilinaw ni House Committee on Constitutional Amendments Chairman Alfredo Garbin Jr., matapos tanungin ni Deputy Minority Leader Carlos Isagani Zarate kung sa anong function sila kumikilos sa kasalukuyang pagtalakay ng Resolution of Both Houses No. 2 na inihain ni Speaker Lord Allan Velasco.

Paliwanag ni Garbin, salig sa probisyon sa ilalim ng Saligang Batas, kapag inumpisahan na ang proseso para sa pagamyenda sa Konstitusyon ay ini-exercise na ng Kamara ang kanilang constituent power.


Ibig sabihin, hindi na kailangang i-organisa ang kanilang mga sarili dahil umuupo na sila bilang Constituent Assembly sa oras na nagkaroon ng inisyatibo sa pag-amyenda sa Konstitusyon.

Malinaw aniya na hindi dinidikta sa Saligang Batas kung paano gagawin ng Kongreso ang pagdinig maliban sa nire-require na 3/4 votes na hiwalay na botohan ng lahat ng mga miyembro ng Kongreso sa oras na sumalang ang Cha-Cha sa ikatlo at huling pagbasa.

Samantala, sinabi naman ni Committee Vice Chairman Lorenz Defensor na mayroong existing rules ang Kamara para sa pagtalakay sa pagamyenda sa charter na kaparehas lamang din sa pagtalakay sa iba pang panukalang batas.

Binibigyang-laya rin aniya ng Saligang Batas ang Senado sa kung paano nito dapat isagawa ang paghimay sa mga proposed amendments.

Sa oras naman na mayroong pagkakaiba sa bersyon ng dalawang kapulungan ng Kongreso, sinabi ni Defensor na maaari itong pagkasunduin o idaan ito sa bicameral conference committee.

Facebook Comments