
Cauayan City – Binawian ng buhay ang 16-anyos na magkambal matapos maaksidente habang sakay ng motorsiklo sa Barangay Munguia, Dupax del Norte, Nueva Vizcaya.
Ayon sa ama ng mga biktima na si Armando Balagat, bago mangyari ang insidente, umuwi ang dalawa sa kanilang bahay sa Barangay Bitnong upang kumuha ng beans at sayote na kanilang babaunin para sa isang sports competition.
Dahil sa kawalan ng pampasaherong sasakyan sa kanilang lugar, minabuti nilang gumamit ng motor papunta sa kanilang paaralan sa Barangay Munguia.
Batay sa imbestigasyon ng pulisya, nasa magkasalungat na direksyon ang motor at ang van na nakabanggaan ng mga biktima, at nang paliko na sana ang van patungong kaliwa ay doon na bumangga ang motorsiklong sinasakyan ng kambal.
Sa halip na tumulong ang drayber ng van, kaagad itong tumakas paalis sa pinangyarihan ng insidente at iniwan ang kanyang sasakyan.
Sinubukan pang isugod sa pagamutan ang magkapatid sa ospital ngunit sa kasamaang palad ay pareho silang binawian ng buhay dahil sa matinding sugat sa ulo at katawan.
Samantala, natukoy na ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng driver at patuloy siyang tinutugis ng pulisya kaya naman nanawagan ang ama ng mga biktima na sumuko na ito upang mabigyan ng hustisya ang pagkamatay ng kanyang mga anak.