Manila, Philippines – Nanawagan ang Inter-Agency Council for Traffic (I-ACT) sa lahat ng shopping mall operators sa Metro Manila na tulungan ang gobyerno sa kampanya nito kontra kolorum na sasakyan at iba pang out-of-line Public Utility Vehicles (PUV).
Ayon kay I-ACT Chief Thomas Orbos, magko-convene sila ngayong araw sa mga may-ari at nagpapatakbo ng mga mall para hingan ang kanilang kooperasyon.
Nagbabala rin si Orbos sa mga mall na nagkakanlong o pinapayagang bumiyahe ang mga kolorum sa kanilang mga terminal.
Sa ilalim aniya ng circular ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), may pananagutan ang mga establisyimento hinggil sa pagpapahintulot sa mga colorum na sasakyan.
Sa ngayon, mayroong 195 mall sa Metro Manila kung saan 16 ay matatagpuan sa kahabaan ng Edsa.
Inaasahang dadalo rin sa meeting si LTFRB Chairman Martin Delgra.
Nabatid na inilunsad ng I-ACT ang ‘task force’ kamao bilang tugon sa utos ni Pangulong Rodrigo Duterte na i-crackdown ang lahat ng kolorum at hulihin ang mga driver at operator nito sa buong bansa.