Mas pinapa-iigting pa ng Traffic Managment Center ang panghuhuli sa mga motorista na kulang-kulang ang accessories ng kanilang motorsiklo.
Kahapon nang manghuli ang TMC na pinamumunuan ni Retired Police Maj. Armando Abasolo ng mga motorsiklo na walang side mirror, front at rear lights, mahina ang preno at signal lights at higit sa lahat ay walang driver’s license.
Binigyang diin din ni Maj. Abasolo ang pagbabawal na sa mga motorsiklo na mag-angkas ng 10 taong gulang na bata pababa, at ang pag-angkas ng dalawa katao.
Abot sa 13 mga pasaway na motorista ang nasampulan ng TMC kahapon lamang.
Aminado naman si Maj. Abasolo na marami silang natatanggap na reklamo mula sa mga motorista, lalo na yaong naghahatid-sundo ng kanilang mga anak sa eskwela, kaya payo n’ya sa mga magulang na sa halip na i-angkas ang kanilang mga anak sa motorsiklo ay pasakayin na lamang ang mga ito sa mga pampasaherong jeep o multicab.
Ang kapakanan lamang ng mga bata ang iniisip ng TMC dahil kawawa din naman ang mga paslit kung masangkot sa disgrasya.
Isa pa sa mga hinuhuli din ng TMC ay yaong mga pasaway na motorista na nagka-conter flow ayon pa kay Maj. Abasolo.
Marami ring nakumpiskahan ng plaka ang TMC kahapon sa bahagi naman ng Don Rufino Alonzo Street dahil sa pagdo-double parking.
Ayon kay Maj. Abasolo, hindi na kasi naghahanap ng ibang lugar ang mga motorista kahit pa batid naman nilang may naka-park na sa kanang bahagi ng kalsada, ipinipilit nilang mag-park sa kaliwang bahagi ng kalsada.
Sinabi pa ni Maj. Abasolo na hindi naiiwasan na nagkakaroon ng diskusyon sa pagitan ng mga taga TMU at mga motorista subalit ang laging bilin nito sa kanyang mga tauhan na manatiling magalang sa pagharap sa mga traffic violator.(Daisy Mangod)
CCTO PIC