Paiigtingin pa ng Philippine National Police (PNP) ang kanilang kampanya laban sa terorismo.
Ito ay makaraang maaresto ng mga tauhan ng Quezon City Police District si Kevin Madrinan na miyembro ng Dawlah Islamiyah at konektado sa leader ng Abu Sayyaf na si Mundi Sawadjaan.
Ayon kay PNP Intelligence Group director Brig. Gen. Edgar Monsalve, nakatutok sila ngayon sa counter terrorism partikular na sa Mindanao.
Minamatyagan nila ang mga posibleng planong terroristic activity ng mga terorista gaya ng suicide bombing.
Sa panig naman ni PNP Chief Police General Camilo Cascolan, sinabi nito na iniimbestigahan ngayon ng mga pulis ang recruitment activities ni Madrinan sa Metro Manila.
Nagsilbi kasi itong Luzon liason ng Dawlah Islamiyah matapos maaresto si Datu Omar Palte noong Enero.
Sinabi ni PNP Chief na lahat umano ng mga nire-recruit ni Madrinan na nagbabalik Islam ay ipinapadala sa Mindanao.
Nitong Sabado nang maaresto si Madrinan sa North Fairview, Quezon City.
Narekober mula sa kanya ang isang kalibre-45 at isang granada.