Cauayan City – Tagumpay na nailunsad sa lungsod ng Cauayan ang kampanya kaugnay sa kahalagahan ng cervical cancer screening sa lungsod ng Cauayan.
Ang paglulunsad ng “Babae Mahalaga ka, Magpa Cervical Screening Na!” Campaign ay naging matagumpay sa pamamagitan ng pagtutulungan ng Cagayan Valley Center for Health and Development sa pamamagitan ng Non Communicable Disease Cluster, kasama rin ang Integrated Provincial Health Office at ang Cauayan City Health Office 1 at 3.
Sa isinagawang paglulunsad ng aktibidad, nagkaroon ng health education awareness at paghihikayat sa mga kababaihan na nasa edad 30 hanggang 65 na sumailalim sa cervical screening, free breast examination, at Visual Inspection gamit ang Acetic Acid.
Bukod pa rito, namahagi rin ng tokens sa 100 Cauayeños na sumailalim sa nabanggit na screening.
Samantala, patuloy nilang hinihikayat ang mga kababaihang nasa 30-65 taong gulang na sumailalim sa VIA screening, at pabakunahan rin ang kanilang mga anak na nasa ika-4 na baitang ng HPV Vaccine ngayong darating na buwan ng Oktubre.