*Cauayan City, Isabela-* Sa kabila ng pinaiiral na Executive Order no. 23 Total log ban sa bansa ay pinaigting pa rin ang monitoring at kampanya sa illegal logging ng Provincial Enviroment and Natural Resources Office o PENRO Isabela.
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Isabela PENRO Officer Marlon Agnar, mahigpit ang direktiba nito sa kanyang mga operatiba o Task Force Bantay Kalikasan na bantayang maigi at i-monitor ang mga posibleng daanan ng mga magpupuslit ng illegal na pinutol na kahoy.
Kaalinsabay nito, bumalangkas ng kasunduan o Memorandum of Agreement sa pagitan ng kasundaluhan ng 86th Infantry Battalion, Philippine Army, Provincial Government, kapulisan at ilan pang ahensya ng pamahalaan para sa tuloy-tuloy na implementasyon na maging kaagapay sa pinaigting na kampanya sa illegal logging.
Kung kaya’t halos wala ng naitatalang mga paglabag at pagpupuslit ng illegal na pinutol na kahoy dahil sa isinasagawang monitoring at pagbibigay paalala sa mga mamayan.
Samantala, sa greening program ay umaabot sa 4,000 ektarya ang natamnan ng ibat-ibang uri ng punong kahoy na patuloy na inaalagaan simula ng maitanim noong taong 2017 hanggang sa kasalukuyan.