Kampanyang Lacson-Sotto, aarangkada na sa MiMaRoPa

Lalawigan ng Romblon ang magsisilbing pambungad ng tambalang Lacson-Sotto sa yugto ng kanilang patuloy na kampanya sa rehiyon ng MiMaRoPa na kinabibilangan ng mga lalawigan ng Oriental at Occidental Mindoro, Marinduque, Romblon at Palawan.

Sa Lunes, Abril 4, ay nakatakdang dalawin nina Lacson at Sotto ang bayan ng Odiongan na matatagpuan sa Tablas Island sa Romblon, bago tumungo sa kabisera ng lalawigan para ilatag ang kanilang mga plataporma.

Sa Odiongan, nakatakdang dumalaw ang Lacson-Sotto tandem sa isang agri-trade fair bilang bahagi ng pagdiriwang para sa ika-175 foundation day ng bayan, kasabay na rin ng pista ng kanilang santo patron na si San Vicente Ferrer.


Bahagi ng kampanya ng magkatambal ang pagtaguyod sa mga lokal na industriya ng agrikultura, kung kaya’t magiging mahalagang bahagi ng kanilang programa sa nabanggit na sektor ang mga impormasyong makukuha sa mga dadalo sa nabanggit na aktibidad.

Sa kanyang panig, isinusulong ni Lacson ang programang ‘One Town, One Product (OTOP)’ upang magkaroon ng sapat na merkado ang mga partikular na produktong nagmumula o iniluluwas mula sa isang bayan.

Inaasahang makakadaupang-palad din ng tambalang Lacson-Sotto sa naturang bayan ang kanilang mga tagasuporta, mga lokal na lider, at iba pang bisita na dumayo pa sa lalawigan upang masaksihan din ang nabanggit na aktibidad.

Sa bayan naman ng Romblon, Romblon na kapitolyo ng lalawigan, makikipag-usap ang tandem sa mga residente upang ilatag ang kanilang programang Budget Reform Advocacy for Village Empowerment (BRAVE).

Aalamin nila ang hinaing ng iba’t ibang sektor upang malatagan sila ng mga karapat-dapat na solusyon kung ang dalawang batikang mga lingkod-bayan ang ihahalal ng mga botante.

Si Lacson ay seryosong nag-aalok ng kanyang mga plataporma sa pamamagitan ng personal na pakikipag-usap sa mga tao sa mga lugar na kanilang pinupuntahan, bilang pinaka-epektibong paraan upang makilatis ng mga botante ang mga aplikante sa pagkapresidente ng bansa sa susunod na anim na taon.

Facebook Comments