Naghain ng petition for habeas corpus ang kampo ng isa sa mga suspek sa pagpatay kay Gov. Roel Degamo.
Ayon kay Atty. Danny Villanueva, abogado ng suspek na si Joven Javier, layon ng petisyon na ilabas si Javier dahil nanganganib aniya ang buhay nito sa loob ng detention facility.
Aniya, may plano na papatayin si Javier sa pamamagitan ng artificial scenario kung saan palalabasin daw itong tatakas o hindi kaya ay mag-aamok.
Kinumpirma rin ni Atty. Villanueva na binawi na ni Javier ang naunang salaysay nito na nagdidiin kay Congressman Arnolfo Teves Jr., sa kaso ng pagpatay kay Gov. Degamo.
Nanindigan ang kampo ni Javier na wala pang naisasampang kaso laban dito kaya walang batayan para siya ay ikulong.
Nakasaad din sa petisyon na hindi nagboluntaryo si Javier na sumailalim sa Witness Protection Program at wala siyang nagawang krimen kaya hiniling niya sa korte na atasan ang respondents na sina Justice Secretary Jesus Crispin Remulla at NBI Director Medardo Delemos na iharap siya sa korte at palayain.