Hiniling ngayon ng kampo ng Japanese gaming tycoon na si Kazuo Okada sa Department of Justice (DOJ) na ipawalang bisa na ang isinampang kasong kidnapping laban sa kaniya at ibang kasama na pawang mga member of the board ng Okada Manila.
Sa ginawang preliminary investigation sa DOJ, inihayag ng mga abogado nina Chairman Kazuo Okada, Tony Boy Cojuangco, Dindo Espeleta at iba pang board member ng Okada Manila na walang katotohanan at walang legal na basehan ang isinampang kidnapping at illegal detention ni Hajime Tokuda na dating namumuno at nag-o-operate ng Okada Manila.
Iginiit ng abogado nina Chairman Okada, malinaw sa salaysay ni Tokuda na noong araw ng ilipat sa pamamahala ng kanilang kliyente ang hotel at casino sa ilalim ng Status Quo Ante Order (SQAO), agad na tumalima rito si Tokuda.
Sa katunayan, kusang loob na isinauli ni Tokuda ang kaniyang company ID at boluntaryong pumayag na magpahatid sa kaniyang tahanan.
Nakita rin sa kuha ng CCTV na maayos ay payapa rin itong lumabas ng bisinidad ng hotel habang inaalalayan ng mga security personnel na naghihintay na ihatid siya ng sasakyan ng kompanya para ihatid pauwi.
Malinaw rin sa naging affidavit na hindi pinilit si Tokuda kung saan ang kaniyang personal na cellphone ay hindi kinuha sa kaniya at hindi rin siya pinagbawalan gamitin ito.
Kaugnay nito, nakasaad sa counter affidavit ng kampo ni Chairman Okada na ang legal counsel ni Tokuda na si Attorney Estrella Elamparo ang siyang dapat managot sa hindi pagsunod sa inilabas na Status Quo Ante Order (SQAO) ng Supreme Court at ang court sheriff, pulis at ibang security personnel na nandoon ng mga oras na iyon ay may karapatan na paalisin siya sa bisinidad ng hotel.
Matatandaan na nauna nang na-dismiss ng Court of Appeals ang isinampang kasong estafa laban kay Kauzo Okada at sa dating Chief Operating Officer (COO) na si Takahiro Usui kaya’t nabasura na ang Warrant of Arrest laban sa kanila.