Nanawagan ang kampo ng Wellmed Dialysis and Laboratory Center na palayain ang may-ari mula sa kustodiya ng National Bureau of Investigation (NBI).
Ayon kay Atty. Kristian Vicente Gargantiel, isa sa abogado ng nakadetineng Wellmed owner Dr. Bryan Christopher Sy – sa ilalim ng batas, ang mga kaso ay dapat isinasampa sa korte sa loob ng 36 na roas mula noong warrantless arrest noong Lunes.
Sa ngayon aniya, kahit paso na ang 36-hour period ay wala pa ring reklamong inihahain laban kay Sy.
Kaya nararapat lamang na makalabas na ng NBI detention si Sy dahil sa kawalan ng grounds.
Si Sy ay inaresto noong Lunes matapos ipatawag ng NBI na nagsasagawa ng imbestigasyon tungkol sa pagkakadawit ng Wellmed sa “ghost dialysis.”
Idinala naman siya sa DOJ nitong Martes para ma-inquest kasama ang dalawang whistleblowers na dating empleyado ng Wellmed na sina Edwin Roberto at Liezel Santos.
Sampung respondents ang inakusahan ng estafa at falsification bilang paglabag sa revised penal code.