
Pumalag ang kampo ni Charlie “Atong” Ang sa pinalabas na ruling ng DOJ panel of prosecutors na nagsusulong ng kaso sa Korte laban sa nasabing gaming tycoon.
Ayon kay Atty Gabriel Villareal, counsel ni Ang, hindi patas at depektibo ang resolusyon ng prosecutors kaugnay sa kaso ng mga nawawalang sabungero.
Sinabi ni Villareal na maghahain sila ng motion for reconsideration upang himukin ang DOJ panel na muling pag-aralan ang naging resolution.
Naniniwala ang abogado na naging bias ang panel at hindi naging patas ang ruling lalo na’t ibinatay lamang sa testimonya nang nag-iisang testigo na si Dondon Patidongan na sira na rin ang kredibilidad.
Aniya, dapat ay ibinalik ng DOJ ang kaso sa PNP-CIDG upang muling isalang sa imbestigasyon ang pagkawala ng mga sabungero.
Giit pa ng abogado, nakalulungkot at nagpadala ang DOJ sa kahina-hinalang witness na nagpanggap na crusader upang iligtas ang sarili gayong maliwanag na si Patidongan at kanyang kapatid ang umano’y dumudukot at pumapatay sa mga biktima.
Tiniyak ng abogado na patutunayan nila na mali at gawa-gawa lamang ang mga testimonya ng naturang testigo.









