Manila, Philippines – Nababahala ang mga abogado ni Supreme Court Chief Justice Maria Lourdes Sereno sa magiging pagtrato ng Kamara sa Punong Mahistrado.
Ayon kay Atty. Josalee Deinla, tagapagsalita ni Sereno, nangangamba sila dahil ngayon pa lang ay may paunang pasilip na ang House Committee on Justice sa kampo ni Sereno.
Pangunahin na dito ang pagbalewala ng komite na pag-usapan ang dalawang liham ni Sereno na humihiling sa komite na payagan na katawanin niya ang kanyang mga abogado at payagan din na makapagtanong sa mga testigo sa impeachment complaint.
Aniya, itinuturing na komite na “scrap of paper” o basura lang ang liham ni Sereno at hindi man lang idinaan sa mosyon ng komite.
Masama din ang loob ng mga abogado ni Sereno dahil hindi inisa-isa ang 27 acts para sa pagdeklara ng sufficiency in grounds ng impeachment complaint para sana naipakita na wala talagang matibay na basehan sa reklamong inihain ni Atty. Larry Gadon.
Sinabi ni Deinla na tiyak na ganito rin ang sasapitin ng panig ni Sereno kapag inalam na ang probable cause sa impeachment complaint.