Kampo ni Cong. Velasco, tiwala na makukuha pa rin ang mayorya ng boto sa Speakership

Kumpyansa ang mga kaalyado ni Marinduque Rep. Lord Allan Velasco na makukuha nila ang mayorya ng boto para mailuklok itong Speaker of the House pagsapit ng October 14.

Ayon kay AAMBIS-OWA Partylist Rep. Sharon Garin, may mga pag-uusap na para sa pagpapatawag ng sesyon sa October 14 kahit pa sinuspinde na ang sesyon ng Kamara hanggang sa November 16.

Naniniwala rin si Garin na mas nakabuti ang nangyari kahapon kung saan lahat ay nabigla sa pagmosyon ni Speaker Alan Peter Cayetano na aprubahan sa ikalawang pagbasa ang 2021 General Appropriations Bill.


Aniya, nakakatanggap sila ngayon ng maraming tawag mula sa mga kasamahang kongresista na nagpapahayag ng pagsuporta sa term-sharing agreement.

Sinabi naman ni Buhay Partylist Rep. Lito Atienza na posible pa ring magkaroon ng botohan sa October 14 dahil maaari namang magpatawag ng sesyon ang mayorya.

Dagdag pa ni Atienza, alam na alam na ni Cayetano na maraming mga kongresista na ang sumusuporta sa term-sharing agreement at nahihiya matapos ang naganap kahapon sa sesyon ng Kamara.

Sinabi naman ni Valenzuela Rep. Eric Martinez na abangan na lamang sa October 14 at maipapakita nila ang suporta ng mayorya kay Velasco.

Matatandaang kahapon ay tinanggal sina Garin at Martinez sa kanilang committee chairmanships, habang si Atienza ay umalma dahil naka-mute silang mga kongresista sa Zoom conference habang isinasagawa ni Cayetano ang kanyang speech at mosyon.

Facebook Comments