Dumulog sa Korte Suprema ang kampo ni dating presidential adviser at Chinese businessman na si Michael Yang.
Ito’y sa pamamagitan ng kanyang abogado na si Atty. Raymond Fortun.
Nabatid na si Yang ay naghain ng Petition for Certiorari and Prohibition laban sa Senate Blue Ribbon Committee, na nag-iimbestiga sa kontrobersiya sa pagbili ng pandemic supplies ng gobyerno sa Pharmally.
Sa nasabing petisyon, inihihirit ni Yang sa Korte Suprema na i-nullify at i-lift ang warrant of arrest na inisyu laban sa kanya noong Setyembre 2021.
Pinadedeklara rin ni Yang sa Korte Suprema na i-nullify ang lookout bulletin na labag umano sa kanyang constitutional rights para makabiyahe.
Ayon kay Fortun, nasa Davao City lamang si Yang at hindi nagtatago kung saan handang dumalo ang kaniyang kliyente sa mga imbestigasyon pa na gagawin ng Senado.
Pero sa tingin ng kanyang kliyente na si Yang, sumosobra na ang Senado sa mga pagtatanong at mga hinihingi na mga dokumento at impormasyon na wala namang kinalaman sa isyu ng Pharmally.
Kabilang dito ang mga property o ari-arian, kotse at iba pa pati na ang pangalan at detalye ng kanyang mga tauhan.
Umaasa naman si Fortun na papakinggan at pag-aaralan ng Korte Suprema ang petisyon ni Yang na mistula umanong trinatong kriminal sa pagdinig ng Senado.