Manila, Philippines – Hinamon ng kampo ni dating Senador Ramon Revilla Jr. ang prosekusyon na maglabas ng mas matibay na ebidensya sa kasong kinakaharap kaugnay ng pork barrel scam.
Ayon kay Atty. Estellito Mendoza, abogado ni Revilla, dapat na maglabas ng ebidensya ang prosekusyon sa mga pondo at pera na kickback umano ni Revilla mula sa mga bogus na NGOs ni Janet Lim-Napoles.
Hindi aniya sapat na puro papel lamang at mga dokumento ang inilalabas sa Korte.
Para naman kay Revilla, handa niyang ipakita ang kanyang mga kinita mula sa mga pelikula, TV series, at programs para mapatunayan na kaya niyang kumita ng ganoon kalaking pera.
Dagdag pa nito, tatlong taon na rin siyang nagtitiis na nakakulong pero wala namang nangyayari sa kanyang kaso.
Kanina ay sumipot si Revilla sa paglilitis ng kanyang kaso sa 1st division ng Sandiganbayan kasama ang kanyang maybahay na si Bacoor Mayor Lani Mercado-Revilla matapos itong ma-confine sa ospital dahil sa pagtaas ng creatinine, uric acid at cholesterol nito.