Naglabas din ng manifesto of support ang kampo ni Taguig Rep. Alan Peter Cayetano para manatili itong Speaker of the House.
Matapos na ideklara na bagong Speaker na ng Kamara si Marinduque Rep. Lord Allan Velasco na isinagawa sa labas ng Batasan Complex, ay inilabas naman ng kampo ni Cayetano ang manifesto of support na pirmado ng mahigit 200 mga kongresista.
Kasama sa mga pumirma sa manifesto ang ilang mga kongresista na nakita rin sa Celebrity Sports Plaza na bumoto para kay Marinduque Rep. Lord Allan Velasco nang maupong bagong Speaker ng Kamara.
Dahil dito, naniniwala si Cayetano na may mga flying voters na sumuporta sa kanya at sumusuporta rin kay Velasco.
Ang rule aniya ay dapat sa session hall ginawa ang botohan.
Nakasaad din sa manifesto ang suporta ng mga lumagdang kongresista para pagtibayin sa lalong madaling panahon ang pambansang pondo sa 2021 at pagkakaisa na pagtibayin ang mga measures laban sa COVID-19 pandemic.
Samantala, sa presscon sa kampo ni Cayetano, tinawag nitong fake ang sesyon na isinagawa ng kampo ni Velasco.
Kung ganun lang din aniya na sinasabing valid ang naging hakbang ay mistulang “Banana Republic” ang Kongreso kung kahit saan pala ay pwede na lamang basta magsagawa ng sesyon.