Dumulog na sa Korte Suprema ang bagong abogado ng tinaguriang pork barrel queen na si Janet Lim Napoles.
Sa 100-pahinang petisyon ni Napoles na pirmado ng abogadong si Atty. Rony Garay, inihirit nito sa SC na pigilan ang Sandiganbayan sa pagpapatuloy sa pagdinig sa kaso dahil sa pagtanggi nito ipatupad ang tinatawag na “main plunderer” requirement sa plunder case na kinasangkutan din ni dating Senador Jinggoy Estrada.
Binigyang diin ng kampo ni Napoles na sa kasong plunder isang public officer ang main plunderer at hindi isang pribadong indibidwal gaya ni Napoles ang dapat na kasuhan o ma-convict bilang mandarambong kung nabigong pangalanan sa inihaing reklamo kung sino ang talagang main plunderer.
Naniniwala ang kampo ni Napoles na nagkaroon ng grave abuse of discretion o pag-abuso sa kapangyarihan ang mga mahistrado ng Sandiganbayan nang tukuyin nito ang Supreme Court ruling sa plunder case na kinasangkutan ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo kung saan tinukoy ng Supreme Court ang main plunderer requirement.
Sa Per Curiam Resolution na may petsang June 13, 2019 na nagbabasura sa Demurrers to Evidence ng mga akusadong sina Estrada at Napoles, tumanggi ang Sandiganbayan na i-apply o ipatupad ang GMA ruling.
Dahil dito, sinabi ng abogado ni Napoles na isa itong malinaw na grave abuse of discretion sa panig ng Sandiganbayan.
Naniniwala si Atty. Garay na ang malabong paggamit ng mga pananalita sa orihinal na reklamo o information ay walang bisa at walang hurisdiksyon dito ang anti-graft court para dinggin ang kaso.
Sinabi pa ng kampo ni Napoles na ang lahat ng ebidensiya ng prosekusyon, ay nabigong tukuyin ang main plunderer sa kaso.