Kampo ni Jinggoy Estrada, tiwalang mapaipagtatanggol nila ang kaso ng dating Senador

Manila, Philippines – Ipinahayag ni Atty. Alexis Suarez na ipagtatanggol nila si dating Senador Jinggoy Estrada batay sa naging pasiya ng 5th division ng Sandiganbayan na payagan itong makapagpiyansa para sa kaniyang pansamantalang paglaya.

Aniya, ipinakita ng desisyon na mahina ang katibayan ng kampo ng prosekusyon na idiin si Jinggoy bilang main plunderer sa 183 million PDAF scam.

Ito rin aniya ang magiging legal na argumento nila sa pagpapatuloy ng pagdinig sa kaniyang kasong plunder at graft.


Mula kahapon hanggang kaninang umaga, nagbantay ang media.
Pero, hindi ang maybahay, kundi ang mga abogado ni Jinggoy ang naghain ng piyansa sa kanya.

Kinatawan siya ng mga abogado niya na sina Atty.Wayne Tugade at
Atty. Raquel Mejia.

Isang milyong piso ang binayaran ni Estrada para sa kasong plunder at 330,000 naman para sa 11 counts of graft.

Nagbayad din ito ng 20,350 bilang legal fees.

Matapos na magbayad sa 5th division cashier, dinala na ni Court Sherriff Romulo Barrozo ang release order sa custodial center sa kampo krame kung saan naka-ditine ang nakababatang Estrada.

Personal na magtutungo sa Sandiganbayan si Estrada para sa booking procedures.

Pagkatapos ng booking procedures ay didiretso si Jinggoy sa kaniyang pamilya para makapananghalian.

Alas-tres ng hapon ay dadalo siya sa isang misa ng pasasalamat sa Pinaglabanan Shrine sa San Juan City.

Facebook Comments