Kampo ni Lacson, kondisyon na sa laban; angat sa January survey

Lumiliwanag na ang oryentasyon ng mga kandidato sa pagkapangulo para sa Halalan 2022, habang lalong dumidikit si Partido Reporma chairman at standard-bearer Panfilo ‘Ping’ Lacson sa kaniyang mahigpit na katunggali, batay sa isinagawang independent survey nitong Enero.

Mula sa 5,833 respondent, lumalabas na si Lacson ang pumapangalawa bilang presidential candidate matapos makakuha ng 31.11 porsyentong boto—malayo sa single-digit rating na tinataya ng mga mainstream polling firm bago magsimula ang taong 2022.

Ibinase ang resultang ito mula sa tugon ng mga kalahok sa tanong na: “Kung ngayong araw gaganapin ang eleksyon, sino ang iyong iboboto?”


Mas lalong lumamang si Lacson sa kanyang mga katunggali nang tanungin ang mga kalahok kung sino sa mga presidential aspirant ang tingin nilang makakapagtanggal ng mga tiwaling opisyal ng pamahalan. Nakuha niya ang 40.42 porsyentong boto mula sa 4,438 na respondent.

Samantala, 99.65 posyento ng 3,187 katao na kasama sa survey ang nagsabing galit sila sa mga magnanakaw na opisyal at kawani ng gobyerno.

Papabor naman kay Lacson kung sakaling madidiskuwalipika si dating Senador Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr.—o sinumang ibang presidential candidate—ayon sa 37.79 porsyento ng 4,472 na sumagot sa survey.

Ipinapakita sa pagsusuri sa mga numerong ito na hindi pa rin nakasisigurado si Marcos Jr. sa 42.51 porsyentong rating nito at kahit pa siya ang nanguna sa mga nakaraang survey. Habang si Vice President Maria Leonor ‘Leni’ Robredo naman ang naging pangatlo sa mga kandidato na may 12 porsyento.

Ang tatlong nakakuha ng may pinakamababang rating ay sina Manila Mayor Francisco ‘Isko’ Moreno Domagoso (8.36 porsyento), Senador Emmanuel ‘Manny’ Pacquiao (5.06 porsyento), at labor rights leader Leodegario ‘Leody’ de Guzman (0.96 porsyento).

Sa mga nakalipas na presidential interview ngayong linggo, sinabi na ni Lacson na hindi siya nababahala anuman ang resulta ng mga pre-election survey dahil naniniwala siya sa kanyang mga tagasuporta at hindi rin nawawalan ng pag-asa na maipaabot niya sa mas marami pang botante ang alok niyang paglilingkod at mga solusyon sa problema ng bayan.

“I’m always inspired by my supporters… Hindi pa naman ngayon ang eleksyon, hindi pa sa araw na ito, tatlong buwan pa at pwedeng marami pang mangyari,” ang laging tugon ng chairman ng Partido Reporma sa tanong ng mga mamamahayag hinggil sa resulta ng mga pre-election survey.

Batay naman sa hiwalay na survey para sa vice-presidential race na may 2,249 na kalahok, ang running mate ni Lacson na si Senate President Vicente ‘Tito’ Sotto III ang nangunguna at may 39.07 porsyentong boto, pero halos magkalapit sa 34.64 porsyentong rating ni Davao City Mayor Sara Duterte.

Sumunod sa kanila sina Dr. Willie Ong (12.70 porsyento), Senador Francis ‘Kiko’ Pangilinan (8.57 porsyento), at Deputy House Speaker Jose ‘Lito’ Atienza, Jr. ng Buhay party-list (5.01 porsyento).

Kung pagbabatayan naman ang tandem voting, nananatiling popular ang Marcos-Duterte na may 40.39 porsyento at sinusundan ng Lacson-Sotto (31.36 porsyento), Robredo-Pangilinan (10.59 porsyento), Moreno-Ong (8.13 porsyento), at Pacquiao-Atienza (3.98 porsyento).

Isinagawa ang survey mula noong Enero 16 hanggang 22, 2022 ng Republic Gas Corporation (Regasco) at LPG Marketers’ Association (LPGMA) sa kanilang mga customer at dealer mula sa 25 lokasyon sa Metro Manila, North at South Luzon at ilang bahagi ng Cebu at Negros Oriental.

Facebook Comments