Kampo ni Maia Santos-Deguito, maghahain ng motion for reconsideration

Manila, Philippines – Maghahain ng motion for reconsideration ang kampo ng dating manager ng RCBC-Jupiter Branch sa Makati City na si Maia Santos-Deguito kasunod ng guilty verdict sa kanya ng makati rtc branch 149 kaugnay ng kasong money laundering.

Ayon sa abogado nitong si Atty. Demetrio Custodio – hindi katanggap-tanggap ang naging desisyon ng korte dahil wala namang kinalaman ang trabaho ni Deguito bilang marketing officer sa operasyon at aspeto ng banking transactions.

Hinala ng kampo ni Deguito, may mas mataas pang opisyal ng bangko ang sangkot sa kontrobersya na dapat managot sa umano ay nakaw na 81-million dollars mula sa na-hack na Bangladesh bank noong February 16, 2016.


Imposible kasi aniya na makapag-withdraw si Deguito ng malaking halaga ng pera gayong mababa lang naman ang kanyang posisyon.

Ayon pa kay Atty. Custodio – gagawin nila ang lahat ng legal remedies lalo’t hindi pa naman pinal ang desisyon ng korte.

Una rito, inilabas ng Makati Court ang 26 na pahinang desisyon na pirmado ni Judge Cesar Untalan kung saan nakasaad na may sapat na basehan para idiin sa kaso si Deguito sa walong bilang ng money laundering na isinampa laban sa kanya ng Department of Justice.

Pinatawan si Deguito ng apat hanggang pitong taong pagkakakulong at multang higit 109-million dollars.

Facebook Comments