Kampo ni Marinduque Rep. Velasco, tiwalang masusunod na rin ang term-sharing agreement matapos ang pulong kagabi kay Pang. Duterte

Kumpyansa ang kampo ni Marinduque Rep. Lord Allan Velasco na masusunod sa pagkakataong ito ang term-sharing agreement sa pagka-Speaker.

Ito ay matapos na bigyang basbas ni Pangulong Rodrigo Duterte si Velasco na tumakbong Speaker alinsunod na rin sa naging kasunduan sa pagitan nila ni incumbent Speaker Alan Peter Cayetano.

Ayon kay Mindoro Rep. Doy Leachon, laking pasasalamat ni Velasco nang payagan ito ng Pangulo na makipagpulong sa kaniya kagabi kung saan mistulang father and son ang naging takbo ng pag-uusap.


Aniya, sinabi rin ni Pangulong Duterte na nagpahayag na siya ng kanyang posisyon sa usapin ng Speakership at pagkakataon na ni Velasco na igiit ang kanyang karapatan batay na rin sa naging kasunduan.

Dahil aniya sa mga pahayag na ito ng Presidente kaya umaasa silang magbibitiw na sa kanyang posisyon si Cayetano pagsapit ng October 14.

Tiwala rin si Leachon na makakakuha sila ng sapat na boto sa oras na umalis na sa pwesto si Cayetano at kilalanin ang 15-21 term sharing agreement.

Facebook Comments