Hihintayin na lamang ng kampo ni Marvin Miranda na maisampa sa korte ang anumang kaso ng kanilang kliyente.
Ayon kay Atty. Reynante Orceo, abogado ni Miranda, hindi na sila maghahain ng counter affidavit at sa korte na lamang sila sasagot lalo na’t hindi naman sila napagbigyan na unang makausap ang kanilang kliyente ng arestuhin ito ng National Bureau of Investigation (NBI) at agad isinailalim sa inquest.
Muling sinabi ni Orceo, may ilang technicalities o hindi tama ang proseso ng pag-aresto kay Miranda kung saan hindi na rin naibigay sa kaniyang ang karapatan.
Dagdag pa ni Orceo, mariing itinatanggi ni Miranda ang pagkakasangkot niya sa pagpatay kay Negros Oriental Gov. Roel Degamo.
Aniya, saka na sila gagawa ng legal na hakbang sakaling makarating na sa korte ang isasampang kaso laban kay Miranda.
Iginiit pa ni Orceo na tila nagkaroon na kaagad ng “judgement” sa kanilang kliyente na itinuturo na isa umano sa mastermind ng pagpatay kahit pa hindi agad naisampa sa korte ang kaso.
Samantala, tuluyan nang sinampahan ng prosekusyon ng Department of Justice (DOJ) si Marvin Miranda ng 9 counts of murder, 13 counts of frustrated murder at 4 counts of attempted murder
Sa inilabas na pahayag ni Atty. Mico Clavano, ang tagapagsalita ng DOJ, ang kasong isinampa kay Miranda ay base sa pahayag ng limang suspek kung saan itinuro siya na parte ng pagpa-plano kung paano ipapapatay si Gov. Degamo.