Iginiit ng kampo ni Presumptive President Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. na hindi maaaring patigilin ng Korte Suprema ang canvassing ng mga boto at ang proklamasyon ng mga nanalo sa presidential at vice presidential race.
Ito ang inihayag ni Atty. Estelito Mendoza, abogado ni Marcos kung saan wala aniyang kakayanan ang Supreme Court na pigilan ito batay sa nakasaad sa konstitusyon.
Ipinunto ng kampo ni Marcos ang Section 4 ng Article VII sa konstitusyon na nagsasabing dapat bilangin ng joint public session ng Senado at Kamara ang election returns sa loob nang 30 araw matapos ang halalan.
Nakalagay rin sa probisyon na dapat iproklama bilang panalo ang kandidatong nakakuha ng pinakamaraming boto.
Matatandaang hiniling ng mga petitioners na naghain ng kanselasyon sa Certificate of Candidacy ni Marcos na ideklarang panalo ang pangalawang nakakuha ng pinakamaraming boto at hinimok din nila ang Supreme Court na mag-isyu ng Temporary Restraining Order para huwag ituloy ang pagbibilang ng boto.