Hihilingin ng kampo ni presumptive President Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na ibasura ang mga petisyon na inihain sa Supreme Court na humihiling sa kanyang diskwalipikasyon.
Ito ay matapos bigyan ng 15 araw ng Korte Suprema si Marcos Jr., Commission on Elections (COMELEC), Senado at Kamara na magkomento sa isang petisyon na humihirit na kanselahin ang Certificate of Candidacy (COC) ni Marcos.
Ayon sa abogado ni Marcos na si Atty. Estelito Mendoza, hihilingin nila na ibasura ang mga petisyon sa sandaling maghain sila ng kanilang komento sa Korte Suprema.
Aniya, itong isyu ng disqualification ay nadesiyunan na ng COMELEC Division at ng En Banc kaya mayroon nang dalawang ruling na nagpapatibay sa kwalipikasyon ni Marcos.
Iginiit din ni Mendoza na walang hurisdiksyon ang Korte Suprema na maglabas temporary restraining order (TRO) upang ipatigil ang canvassing ng nga boto kay Marcos at ng kanyang proklamasyon.