Ipinauubaya na ng kampo ni outgoing Vice President Leni Robredo sa susunod na pangalawang pangulo ng bansa kung ipagpapatuloy nito ang mga nasimulang programa ng Office of the Vice President (OVP).
Ayon sa tagapagsalita ni Robredo na si Atty. Barry Gutierrez, nai-turnover na nila ang lahat ng mga detalye tungkol sa mga inisyatibo ni Robredo at bahala na aniya si VP-elect Sara kung itutuloy niya ang mga ito o kung gagawa sila ng mga sarili nilang proyekto.
Posible rin kasi aniya na tutukan ni Duterte-Carpio ang kanyang magiging trabaho sa Department of Education matapos na italagang susunod na kalihim ng kagawaran.
“Tingin ko, isang malaking pagkakaiba si VP-elect [Sara] kapag siya ay naupo, sa pagkakaintindi ko magkakaroon siya ng cabinet portfolio, siya rin ang hahawak ng liderato ng DepEd, unlike si VP Leni na walang posisyon sa gabinete ng halos anim na taon kaya nag-focus siya pagpapatibay at pagiging aktibo ng OVP bilang sentro sa pagtulong sa ating mga kababayan. E, sa kasong ito maaaring mas mag-focus siya [Sara] sa kanyang trabaho sa DepEd,” ani Gutierrez.
“Gayunpaman, lahat ng mga detalye, lahat ng mga reports tungkol sa mga initiatives ni VP Leni mula Angat Buhay hanggang Bayanihan E-Konsulta, hanggang sa lahat ng iba’t ibang naging proyekto noong panahon ng COVID-19 e tinurnover na natin doon sa mga staff ni VP-elect Sara Duterte at bahala na sila kung anong gagawin nila do’n,” saad pa niya.
Samantala, pagkatapos na bumaba sa puwesto ay tututukan naman ni Robredo ang paglulunsad sa Angat Buhay NGO sa nakatakdang simulan sa Hulyo 1.