Kampo ni Robredo, tiwalang uusad ang inihaing reklamo laban kay Jinping sa ICC

Naniniwala ang kampo ni Vice President Leni Robredo na uusad ang reklamo laban kay Chinese President Xi Jinping sa International Criminal Court (ICC).

Matatandaang naghain ng kaso nitong March 15 sina dating Foreign Affairs Secretary Albert Del Rosario at dating Ombudsman Conchita Carpio-Morales sa ICC, dalawang araw bago umalis ang Pilipinas sa tribunal.

Ayon sa tagapagsalita ni Robredo na si Atty. Barry Gutierrez – maaari pa ring hawakan ng ICC ang kaso dahil isinampa ito bago pa man maging epektibo ang withdrawal ng Pilipinas.


Aniya, malinaw ito sa probisyon ng Rome Statute ng International Criminal Court o ICC.

Una nang sinabi ni Robredo na ang ginawang hakbang nina Morales at Del Rosario ay nagbibigay pag-asa na maaari pa ring tumugon o lumaban sa China.

Ang ICC ay nag-iimbestiga at nagsasagawa ng paglilitis sa mga indibidwal na inaakusahang gumawa ng large-scale political crimes gaya ng genocide, crimes against humanity, war crimes at crimes of aggression.

Facebook Comments