Pinalagan ng kampo ni dating Sen. Bongbong Marcos ang inilabas na kautusan ng Presidential Electoral Tribunal (PET) na magkomento ang Commission on Elections at ang Office of the Solicitor General kaugnay sa nakabinbing usapin sa poll protest ng dating Senador laban kay Vice President Leni Robredo.
Sa nasabing kautusan, pinagkokomento ang COMELEC at OSG kung ang PET ay maaring magdeklara ng annulment of elections nang walang gagawing special elections, at magdeklara ng failure of elections at ipag-utos ang special elections.
May kaugnayan ito sa petisyong inihain ng kampo ni Marcos na magdeklara ng failure of elections sa mga lalawigan ng Lanao del Sur, Basilan at Maguindanao dahil sa pagkakaroon ng insidente ng terrorism, intimidation, at pre-shading ng balota.
Sa interview ng RMN Manila, kinuwestyon ni Atty. Vic Rodriguez, abogado ni Marcos kung bakit kailangan pang magtanong ang PET sa COMELEC at OSG dahil bilang isang pinakamataas na electoral tribunal, may hurisdiksyon ito na magdeklara ng annulment of elections at mag-utos na magsagawa ng special elections.
Nangangamba si Rodriguez na kung sabihin ng COMELEC na walang hurisdiksyon ang PET ay posibleng magresulta ito ng constitutional crisis.
Una sinabi nang kampo ni Marcos na maaaring maubusan na sila ng panahon kung hindi pa rin maglalabas ng desisyon ang PET dahil maaari nang maging “moot and academic” ang kanilang protesta pagdating ng 2022 national election.