Nakukulangan ang kampo ni Vice President Leni Robredo sa paghingi ng sorry ng China kaugnay ng Recto Bank incident noong Hunyo.
Sa programang Biserbisyong Leni ng RMN Manila sinabi ni Atty. Barry Gutierrez na hindi naman ang mismong gobyerno ng China ang nag-sorry kundi ang may-ari ng Chinese Vessel.
Bukod dito, idinaan lang sa Embassy ang paghingi nila ng paumanhin.
At ang pinakamahalaga aniya sa lahat, hindi binanggit ng mga Tsino ang ginawa nitong pag-abandona sa 22 mangingisdang Pinoy at nanindigang aksidente lang ang nangyari.
Kasabay nito, umapela rin ang kampo ni Robredo sa adminstrasyon na patuloy na igiit ang panalo ng Pilipinas sa arbitral tribunal.
Ayon kay Gutierrez, hindi dapat matapos sa naging bilateral meeting ni Pangulong Duterte kay Chinese President Xi Jinping ang paggigiit nito sa arbitral ruling matapos itong hindi kilalanin ng China.