Kampo ni VP Robredo, tiwalang maibabasura lang ang mosyon para ipa-inhibit si SC Associate Justice Marvic Leonen sa proceedings ng electoral protest ni dating Sen. Bongbong Marcos

Tinawanan lang ng kampo ni Vice President Leni Robredo ang tila pagsasanib pwersa ni dating Senador Bongbong Marcos at Office of Solicitor General (OSG) para ipa-inhibit si Supreme Court Associate Justice Marvic Leonen sa proceedings ng kanyang electoral protest.

Kahapon ay sinegundahan ni Solicitor General Jose Calida ang inihaing mosyon ng kampo ni Marcos sa Korte Suprema na siyang tumatayong Presidential Electoral Tribunal (PET), upang ipag-utos ang re-raffle ng kanyang protesta sa ibang mga justices dahil duda umano sila sa pagiging patas ni Leonen sa paghawak ng kanyang kaso.

Sa interview ng RMN Manila, binigyan-diin ni Atty. Emil Marañon, ang legal counsel ni Vice President Robredo, na walang basehan ang mosyon ni Marcos at ng OSG laban kay Associate Justice Leonen kaya tiwala silang agad na maibabasura ito ng Korte Suprema.


Ipinaalala rin ni Atty. Marañon sa kampo ni Marcos ang babala ng SC matapos na maghain din ng kahalintulad na mosyon noong 2018.

2016 nang maghain ng election protest ang kampo ni Marcos laban kay Robredo dahil umano sa isyu ng dayaan sa ilang lugar sa bansa.

Pero nitong 2019, sa inisyal na recounts ng PET sa mga pilot areas na pinili ni Marcos, lumalabas na higit 15,000 votes ang lamang ni Robredo.

Facebook Comments