
Cauayan City — Isang kandidato sa pagka-konsehal at kanyang driver ang naaresto sa isang operasyon kontra ilegal na droga sa Tabuk City, Kalinga kahapon, Mayo 2, 2025.
Ayon sa Kalinga Police Provincial Office, isinilbi ang search warrant bandang alas-diyes kagabi sa Barangay San Francisco, Dagupan West. Naaresto ang 39-anyos na konsehal aspirant at ang kanyang 32-anyos na driver—parehong nasa listahan bilang High Value Individuals.
Nasamsam sa operasyon ang hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng higit P1.5 milyon, tatlong baril – kabilang ang isang Glock pistol, isang revolver, at isang Taurus “black widow”—pati na mga bala at drug paraphernalia.
Dinala ang mga suspek sa Tabuk City Police Office matapos ang imbentaryo ng ebidensya. Inihahanda na ang mga kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act at RA 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.









