KAPA Community Ministry Int’l, sinagot ang paratang na sila ay scam

Sinagot ng kontrobersyal na religious group na KAPA Community Ministry International ang akusasyon sa kanila na sila ay nag-o-operate bilang scam o nanloloko sa kanilang miyembro.

Sa isang pulong balitaan, humarap sa media si Pastor Jun Apolinario para linawin na ang KAPA Community Ministry ay nakalista sa Securities and Exchange Commission (SEC) hindi bilang negosyo kundi isang lehitimong grupong pananampalataya.

Paliwanag ni Pastor Apolinario, tulad ng ibang religious groups na may ikapu o tithes, ang KAPA ay mayroon din tinatawag na mga ambagan.


Ang ambagan na ito aniya ay napupunta naman sa kanilang ministry na nakatuon sa poverty alleviation ng kanilang miyembro.

Marami aniya sa mga donasyon ng lumalaki nilang kasapian ay nailagay naman sa isang kooperatiba.

Pero, kaiba sila sa ibang religious group, nagbabahagi ang KAPA sa kanilang miyembro ng parte sa alinmang paglago sa salapi mula sa ambagan.

Aniya, wala silang inaagrabyado na miyembro at sa katunayan marami na sa kanilang miyembro ang gumaan na ang buhay at nakakapag-uwi pa ng dividendo mula sa nailalagak nila sa kooperatiba.

Hindi naman minamasama ni Pastor Apolinario ang advisory ni Davao City Mayor Sara Duterte laban sa KAPA.

Ginagawa lamang aniya ni Mayor Sarah ang kaniyang tungkulin na proteksyunan ang kaniyang nasasakupan sa panahon ngayon na naglipana ang iba’t-ibang scam o modus.

Magugunita na naging kontrobersyal si Pastor Apolonario matapos na ipakulong niya ang dalawang announcer ng Bombo Radyo dahil sa kasong extortion.

Facebook Comments