Kapabayaan ng DPWH, Binanatan

Ilagan, Isabela – Mas marami pa ang namamatay sa mga ginagawang kalsada kesa sa bagyo.

Eto ang ibinulalas ni LtGen Benito T. Ramos(Ret), dating undersecretary at direktor ng National Disaster of Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) at administrador ng Office of Civil Defense na ngayon ay tumutulong sa Isabela bilang Disaster Risk Reduction Management Affairs Consultant.

Kanya itong sinabi sa pulong na ginawa ng Isabela PDRRMC kahapon, Setyembre 11, 2017, bilang paghahanda sa bagyong Lannie at Irma. Sa naturang pulong na nadaluhan din ng RMN Cauayan News Team ay nabanggit ang record ng Isabela bilang dalawang beses nang ginawaran ng Kawad Kalasag Award dahil sa maayos nitong pamamalakad tuwing may kalamidad.


Ginunita pa ni General Ramos na ang dahilan ng pagkamatay ng namayapang Mayor Rodolfo Bernardo Jr ng Palanan,Isabela noong Disyembre 15, 2016 ay sa aksidente sanhi ng kawalan ng babala ng noon ay ginagawang national hi-way sa Barangay Sinsayon, Santiago City, Isabela.

Magugunitang sa naganap na una at pangalawang kuwarto ng taon na Regional Peace and Order Council Meeting ng Rehiyon Dos ay ipinatawag at kinastigo ang DPWH Region 2 sa animoy kapabayaan nito sa pagpapaalala sa mga kontraktor na maglagay ng sapat na babala sa mga ginagawang kalsada dahil ayon sa record ng PNP ay halos kalahati sa mga kaso ng kamatayan at pagkasira ng mga ari arian sa rehiyon ay sanhi ng mga aksidente sa mga ginagawang kalsada mula sa kulang o di sapat na mga babala sa mga construction sites.

Ipinaalala pa ni General Ramos sa mga kasapi ng DPWH na dumalo sa naturang PDRRMC meeting na kapag ang halaga ng proyekto ay di hihigit sa 50 milyong piso ay sakop ito ng mga engineering districts samantalang ang mga proyektong mahigit 50 milyon ay saklaw na ito ng DPWH regional office kaya walang rason na magsisihan ang dalawang tanggapan ng naturang ahensiya sa pagpapaalala sa mga project contractors.

Facebook Comments