Tiniyak ng Palasyo na lalagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang panukalang magpapalawig sa prangkisa ng ABS-CBN kapag inprubahan ito sa Kongreso at Senado.
Sa press briefing noong Huwebes, sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque na hindi magvi-veto ang Presidente kung mapatunayang walang nilabag sa saligang batas ang istasyon.
Ayon pa kay Roque, wala raw kinikilingan ang pinuno ng bansa dahil iginagalang aniya nito ang kasarinlan ng Mababang Kapulungan.
Kinausap na rin daw ni Duterte ang mga kaalyado niya na maging patas sa usapin ng legislative franchise ng Kapamilya network.
Matatandaang nagalit noon ang Pangulo sa ABS-CBN bunsod ng umano’y hindi pag-ere sa kaniyang campaign advertisements noong 2016 Presidential elections.
Sumama rin daw ang loob nito nang ipalabas ng himpilan ang isang kontrobersiyal na political ad na may kinalaman sa binibitiwang pahayag at pagmumura ni Duterte.
Noong Martes, iniutos ng National Telecommunications Commission ang tigil-operasyon ng giant network habang wala pang karampatang prangkisa.