*Cauayan City, Isabela- *Pormal nang nanungkulan bilang bagong talagang Schools Division Superintendent ng Schools Division Office -Cauayan City si Dr. Alfredo Gumaru na tubong Bayan ng Mallig, Isabela.
Mainit na tinanggap ng mga guro mula sa iba’t ibang paaralan at opisyal ng lungsod ang pagtatalaga dito ng Kagawaran ng Edukasyon.
Sa naging panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Dr. Gumaru, bagama’t bago pa lamang niya itong pamumunuan ayuunahin aniya nitong pagtutuunan ng pansin ang kapakanan ng mga mag-aaral at guro dahil sa ilang mga isyu at concerns sa bawat komunidad.
Ayon pa kay Dr. Gumaru, hindi aniya madali ang pagiging isang pinuno ng lahat ng mga paaralan sa Lungsod ngunit titiyakin aniya nito na ipagpapatuloy ang nasimulan ni dating SDS Dr. Gilbert Tong gaya ng paghahanda sa nalalapit na CAVRAA 2020 na gaganapin dito sa Lungsod ng Cauayan.
Kaugnay nito, pang apat na beses ng itinalaga sa iba’t ibang sangay ng division office si Dr. Gumaru gaya ng Isabela, Quirino, Tuguegarao City at ngayo’y sa Lungsod ng Cauayan.
Itinalaga naman bilang bagong ASDS si Ma’am Nelia Mabuti na dating Education Program Supervisor ng Alternative Learning System (ALS).