Kapakanan ng mga guro, pinapatiyak ng isang senador sa susunod na administrasyon

Hinimok ni Committee on Basic Education Chairman Senador Win Gatchalian ang susunod na administrasyon na tiyakin ang dekalidad na edukasyon at training o pagsasanay para sa mga guro.

Ayon kay Gatchalian, pangunahing hakbang ito upang matugunan nang husto ang krisis na bumabalot sa sektor ng edukasyon.

Paliwanag ni Gatchalian, kung maganda ang mismong pundasyon ng mga guro, ay inaasahang dekalidad din ang ibibigay nilang klase ng pagtuturo sa kanilang mga estudyante.


Kaugnay nito ay iminungkahi ni Gatchalian sa Department of Education (DepEd) ang agaran at epektibong pagpapatupad ng Excellence in Teacher Education Act.

Binanggit ni Gatchalian na layunin ng naturang batas na patatagin ang Teacher Education Council at iangat ang kalidad ng training at edukasyon ng mga guro mula sa kolehiyo hanggang sa tuluyang makapasok sa mga paaralan upang magturo.

Tiwala si Gatchalian, na ang susunod na kalihim ng DepEd na si Vice President-elect Sara Duterte-Carpio ay may political capital upang ipatupad ang mga repormang tulad ng Excellence in Teacher Education Act.

Facebook Comments