Kapakanan ng mga Mag-aaral ng CCNHS, Tiniyak!

*Cauayan City, Isabela- *Sa kabila ng nag-viral na video na kinasangkutan ng apat na estudyante ng Cauayan City National High School (CCNHS) ay tiniyak ni Ginoong Primitivo Gorospe, principal ng naturang paaralan ang kaligtasan at kapakanan ng kanilang mga mag-aaral.

Matatandaan na nitong nakaraang araw ay pinag-piyestahan ng nitezan ang lumabas na video sa social media na kinasangkutang pananakit at sabunutan ng ilang mga estudyante.

Pinabulaanan naman ni Ginoong Gorospe ang ulat na nag-ugat umano ang iringan ng mga mag-aaral dahil sa lalaki.


Kanyang nilinaw na nag-ugat ang rambulan dahil sa mga pasaring na post sa social media ng mga nasangkot sa insidente.

Sa ngayon, nabigyan na ng karampatang parusa ang mga sangkot sa viral video kung saan ay nasuspinde ng tatlong araw ang tatlong estudyante na nanakit sa kanilang kapwa mag-aaral.

Dagdag pa ni Ginoong Gorospe, nalulungkot ang kanyang pamunuan sa nangyari, ngunit tiniyak nito na hindi nila kukunsintihin ang ganitong kaso at maging sa iba pang porma ng bullying at mas magiging mahigpit na ang kanilang monitoring sa mga mag-aaral para maiwasan ang kahalintulad na pangyayari.

Facebook Comments